Mga senador, itinanggi ang impormasyong may planong mapalitan si Senate President Juan Miguel Zubiri bilang pinuno ng Mataas na Kapulungan

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinabulaanan ng mga senador ang ugong ugong na may mga nagbabalak na palitan ang liderato ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Senado.

Ayon kay Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito, kuntento ang mga senador sa pamumuno ni Zubiri.

Sa opinyon rin ni Ejercito, mahirap palitan si SP Migz kaya naman sa kanyang palagay ay walang magtatangka na kunin ang Senate leadership mula sa kanya.

Sinabi naman ni Senador Sonny Angara na sa kanyang palagay ay hindi  ito mangyayari dahil propesyunal na mamuno at nagkokonsulta sa lahat si Zubiri.

Ganito rin aniya sa buong Senate leadership, kabilang sina Senate President Pro Tempore Loren Legarda at Majority Leader Joel Villanueva, na kapwa aniya ay magaling rin sa kani-kanilang mga trabaho.

Wala ring nakikitang kulang kay Zubiri si Senador Robin Padilla.

Katunayan, ayon kay Padilla, ay istrikto ito sa kanilang mga senador lalo na pagdating sa mga priority bills at iba pang mahahalagang bagay na dapat talakayin.

Sakali man aniyang may magsulong na palitan si Senate President Zubiri ay hindi siya boboto para mapalitan ito dahil wala naman siyang reklamo sa liderato nito.

Pinasinungalingan rin ni Senador Jinggoy Estrada ang mga impormasyon na isa siya sa mga napipisil na maging bagong Senate President.

Wala aniyang kumakausap kay Estrada at wala rin siyang kinakausap tungkol dito.

Para sa senador, 100% stable ang liderato ni SP Zubiri at suportado nilang lahat ito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us