Nakahanda ang Metropolitan Manila Development Authority na magpadala ng mga tauhan sa mga lugar na maaapektuhan ng pag-aalburoto ng mga bulkan.
Ito’y matapos itaas sa Alert Level 3 ang bulkang Mayon sa Albay.
Ayon kay MMDA Spokesperson Atty. Mel Carunungan, sakaling humiling ng augmentation ang local government units sa National Disaster Risk Reduction and Management Council ay hindi mag-aatubili ang ahensya na mag-deploy ng teams.
Patuloy aniyang naka-monitor ang Metro Manila Crisis at Monitoring and Management Center upang sumuporta sa pangangailangan ng LGUs kaya naka-standby ang mga tauhan mula sa Public Safety Division.
At dahil saklaw ng MMDA ang Region 4-A o CALABARZON, sinabi ni Carunungan na tutulong ang ahensya sa usapin ng disaster preparedness at sa pagsasagawa ng search and rescue operations kung kakailanganin ng mga lugar na maaapektuhan ng bulkang Taal.
Samantala, idinagdag pa ni Carunungan na patuloy na pinalalakas ng MMDA ang equipment capabilities para sa rescue habang puspusan na rin ang pagtatatag ng training center sa Cavite. | ulat ni Hajji Kaamiño