Normal na muli ang operasyon ng buong linya ng MRT-3 matapos itong pansamantalang ipahinto kaninang pasado alas-10 ng umaga dulot ng lindol na naramdaman sa Metro Manila.
Ayon sa pamunuan ng MRT-3, nagbalik operasyon ang tren simula kaninang 11:35 a.m.
Wala naman aniyang naiulat na ‘abnormalities’ sa mandatory systems check na isinagawa ng mga technical personnel sa buong linya.
Personal ding ininspeksyon ni Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino ang visual safety checks sa Magallanes Station tracks upang masiguro ang ligtas na pagbabalik operasyon ng linya.
Una na ring tiniyak ni Asec. Aquino na lahat ng mga pasahero ay ligtas na naibaba nang ihinto ang operasyon ng tren kaninang umaga.
Sa kasalukuyan, mayroong 14 na tren ang tumatakbo sa revenue line. | ulat ni Merry Ann Bastasa