Kumpiyansa ang Department of Tourism (DOT) na ito na ang tamang panahon para muling buksan sa buong mundo ang magagandang tanawin at mayamang kultura ng Mindanao.
Ito ang inihayag ni Tourism Secretary Ma. Christina Frasco matapos na lumagda ito ng Memorandum of Agreement kasama ang Department of National Defense (DND) at Department of the Interior and Local Government (DILG) kahapon.
Layon ng nilagdaang kasunduan na patatagin ang ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para i-promote ang Mindanao bilang mapayapa at mainam na destinasyon para sa domestic at international travelers.
Dito, binigyang diin ni Sec. Frasco na ang muling pagbubukas ng Mindanao sa international tourism ay makapaghahatid ng mas maraming mamumuhunan, negosyo at trabaho para sa mga Pilipino.
Ito aniya ang magiging daan upang matamo ng Pilipinas ang mas mabilis na pagbangon ng ekonomiya matapos ang naging epektong dulot ng COVID-19 pandemic. | ulat ni Jaymark Dagala