Sinisiguro ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi nito papahintulutan na mabahiran ng anumang pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Pahayag ito ng NBI matapos ang pag-aresto sa high profile inmate na si Jad Dera, at anim na tauhan ng kawanihan na sinasabing kasabwat nito.
Sinibak na sa puwesto ang Chief ng Security Management Section habang nakabinbin ang imbestigasyon sa kaso.
Tiniyak ng NBI ang malalimang imbestigasyon sa insidente at ang posibleng pagkakasangkot ng iba pang personalidad.
Masasampahan din ang mga ito ng naaangkop na mga kasong kriminal at administratibo.
Una nang kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na nakalabas ng NBI facility ang detainee na si Dera na may kasong illegal drugs. Napag-alamang co-accused si Dera sa kaso laban kay dating Senador Leila de Lima.
Hindi umano maaaring makalabas ng detention facility ang isang detainee ng walang pahintulot mula sa prosecutor kung nasa ilalim ng imbestigasyon o sa hukom kung ang kaso ay nasa korte na.| ulat ni Rey Ferrer