Naka-heightened alert status na ngayon ang buong puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ito ay bilang paghahanda para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 24.
Ayon kay NCRPO Spokesperson, Police Lieutenant Colonel Luisito Andaya, aabot sa halos 23,000 Pulis ang ipakakalat sa iba’t ibang panig ng Metro Manila bukod pa sa mga itinturing nilang areas of convergence kaugnay ng okasyon.
Partikular nilang tututukan ay ang bahagi ng Mendiola, Plaza Miranda, Liwasang Bonifacio at Welcome Rotonda gayundin ang kahabaan ng Commonwealth Avenue at paligid ng Batasang Pambansa.
Sa nasabing bilang, sinabi ni Andaya na mahigit 17,000 Pulis ang magmumula sa NCRPO, mahigit 4,000 naman ang magmumula sa kanilang Regional Support Units.
Bukod pa ito sa mahigit 500 magsisilbing Force Multipliers na magmumula naman sa iba’t ibang ahensya tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Kaagapay din ng NCRPO ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at ang mga Lokal na Pamahalaan ng Quezon City at Maynila sa pagtitiyak ng maayos, mapayapa at ligtas na pag-uulat sa bayan ng Pangulo. | ulat ni Jaymark Dagala