Panibagong 60-day suspension ang ipinataw ng Kamara kay Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo Teves Jr.
Sa sesyon ngayong hapon 285 na mambabatas ang bumoto pabor at may isang nag-abstain, sa rekomendasyon ng House Committee on Ethics laban sa patuloy na paglabag ni Teves sa Rule 20 section 142 subsection A and B of the Code of Conduct and for disorderly behavior.
Ikinonsidera din ng Komite ang aplikasyon nito ng political asylum sa Timor-Leste.
Maliban sa suspensyon ay binabawi na rin ang lahat ng kaniyang rights and privileges bilang mambabatas sa kasagsagan ng naturang suspensyon.
Tinanggalan na rin siya ng committee membership.
Sa kasalukuyan, nagsisilbing vice-chairperson ng House Committees on Games and Amusements si Teves habang miyembro naman ng Legislative Franchises at Nuclear Energy.
Si House Speaker Martin Romualdez ang magsisilbing legislative caretaker ng distrito ni Teves sa loob ng dalawang buwan o hanggang July 30, 2023.
Kasabay naman nito, isa sa kapartido ni Teves sa Nationalist’s People Coalition na si Rizal Rep. Jack Duavit ay nanawagan kay Teves na umuwi na ng Pilipinas.
Apela ni Duavit na pakinggan ang panawagan nila na kaniyang mga kasamahan sa Kamara, na magbalik bansa na.| ulat ni Kathleen Jean Forbes