Nagpahayag ng suporta sa posisyon ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro na “no peace talks” sa liderato ng CPP-NPA-NDF si Quezon Provincial Governor Angelina “Helen” de Luna Tan.
Ang pahayag ay ginawa ng gobernadora sa lingguhang press conference ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) “Tagged reloaded: Debunking Lies By Telling The Truth”.
Ayon kay Gov. Tan, makakamit lang ang tunay na kapayapaan sa pamamagitan ng Localized Peace Engagement (LPE), o sa lebel ng mga komunidad katulad ng naging matagumpay na karanasan ng Lalawigan ng Quezon.
Matatandaang idineklara nitong Hunyo ang buong lalawigan ng Quezon na insurgency-free makalipas ang 54 na taong pamamayagpag ng mga teroristang komunista sa lalawigan.
Nagpasalamat din si Gov. Tan sa PNP at AFP sa lahat ng kanilang sakripisyo sa pagligtas sa 41 munisipyo at syudad ng lalawigan sa impluwensya ng CPP-NPA-NDF. | ulat ni Leo Sarne