Umaasa ang National Water Resources Board (NWRB) na magkakaroon ng sapat na panahon ang Manila Water Sewerage System (MWSS) na makumpleto ang mga ginagawa nitong rehabilitasyon at water recovery efforts.
Ito ang isa sa mga dahilan ayon kay NWRB Executive Director Dr. Sevillo David kung bakit inaprubahan muli ng board ang hirit ng MWSS na panatilihin ang dagdag na alokasyon nito ng tubig mula sa Angat dam.
Batay sa desisyon ng NWRB, simula ngayong araw, June 1 hanggang 15 ay mananatili ang 52 cm water allocation ng MWSS sa Angat dam ngunit pagsapit ng June 16-30 ay ibababa na ito sa 50 cm habang magkakaroon naman ng 40 cm na alokasyon para sa irigasyon.
Ayon pa kay David, nauunawaan nitong kailangang panatilihin pa ang dagdag alokasyon para masigurong hindi makararanas ng water interruption ang mga customer sa Metro Manila.
Gayunman, nagiging maingat pa rin aniya ang NWRB sa alokasyon ng tubig lalo’t nananatili ang pangamba na baka makaapekto sa Angat dam ang nakaambang El Niño.
Punto nito, kailangan pa ring masiguro na mapaghahandaan ang posibleng impact ng El Nino sa water reservoir hanggang sa 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa