Tuloy-tuloy ang ginagawang pagsasaayos at pagpapaganda sa mga pasilidad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay sa harap na rin ng napipintong pagsasapribado ng pangunahing paliparan ng Maynila gayundin sa dumaraming pasahero nito.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) Officer-In-Charge Brian Co, aabot sa P5 bilyong ang nakalaang pondo para sa pagsasaayos sa mga pasilidad ng NAIA.
Kabilang na sa mga gagawin dito ay ang power system, air-conditioning, passenger automation at airport management system.
Sa susunod na taon, sinabi ni Co na tinatayang aabot sa 47 milyong pasahero ang darating sa bansa na sa taong ito ay umabot na ng 43 milyon. | ulat ni Jaymark Dagala