Nagbigay ng tulong ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa mga biktima ng pag-aalburoto ng bulkang Mayon sa Albay.
Ayon sa PAGCOR, aabot sa 6,000 family relief packs ang naipamigay sa mga taga Albay na naglalaman ng mga food at non-food item.
Ayon kay PAGCOR Chairperson at CEO Alejandro Tengco, naiintindihan ng PAGCOR ang pinagdaraanan ng mga nasabing biktima, at umaasa sila na makakatulong ang mga naturang donasyon sa kasalukuyang sitwasyon ng mga ito.
Tiniyak din ni Tengco, na handa ang PAGCOR na gawin ang makakaya nito para tumugon sa panawagang tulong ng mga apektadong Pinoy.
Nagpasalamat naman si Albay 2nd District Representative Joey Salceda sa naturang donasyon ng PAGCOR, dahil sa patuloy na pagdami ng biktima na kasalukuyang nasa 15,000 indibidwal na.
Dagdag pa ng mambabatas, lahat ng tulong na maaaring makuha ay kanilang kailangan dahil sa walang kasiguruhan kung hanggang kailan ang pag-aalburoto ng Mayon.
Matatandaan na nakataas parin sa alert level 3 ang bulkang Mayon, bunsod ng mga aktibidad dito na posibleng sinyales ng pagputok nito. | ulat ni Lorenz Tanjoco