Isinusulong ni Senador Imee Marcos na maimbestigahan ang paglanding ng isang US Military aircraft sa Manila International Airport nitong June 26.
Sa inihaing Senate Resolution 667ng senador, nais na masilip ang detalye ng pagdating Boeing C-17 strategic transport aircraft na pagmamay-ari ng US military.
Nakasaad sa resolusyon na dumating ang US Military Aircaft nang hindi man lamang nabigyan ng advisory ang Integrated Command and Control Center ng paliparan.
Sa beripikasyon naman ng tanggapan ng mambabatas sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), napag-alaman na nagpalabas ng advisory ang US Embassy sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sakay ng military aircraft ang siyam na military crew at isang pasahero mula sa Guam at patungong Puerto Princesa, Palawan.
Nais malaman ni Senador Imee kung bakit hindi nakarating sa Airport Integrated Command and Control Center ang advisory; bakit inabot ng 10 oras bago ito umalis; ano ang kargamento ng aircraft; gayundin ang pagkakakilanlan ng mga sakay nito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion