Pagkakaisa, panawagan ng PNP ngayong Independence Day

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nakikiisa ang buong hanay ng Philippine National Police (PNP) sa pagdiriwang ng sambayanang Pilipino ng ika-125 anibersaryo ng Kalayaan ng bansa mula sa pananakop ng mga dayuhan.

Kasunod nito, ipinanawagan ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa lahat ng mga Pulis at sa publiko, na itaguyod ang diwa ng pagkakaisa bilang parangal at pasasalamat sa lahat ng mga nag-alay ng buhay para sa paglaya ng bayan.

Ayon sa PNP Chief, dapat magsilbi rin ang pagkakataong ito na palakasin ang nagkakaisang tinig ng sambayanan bilang isang malayang bansa mula sa iba’t ibang banta tulad ng krimen, iligal na droga at katiwalian.

Kinikilala rin ng PNP Chief ang mga Pulis, na walang pasubaling nag-alay ng sarili sa ngalan ng paglilingkod gayundin ang mga itinturing nilang bagong bayani ng bansa sa kasalukuyang henerasyon.

Kanina, pinangunahan ni PNP Deputy Chief for Administration, Police Lieutenant Gen. Rhodel Sermonia, ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa Kampo Crame kung saan, nanawagan ito sa mga Pulis na maging mabuting halimbawa ng disiplina gayundin ng propesyunalismo.

Ngayong araw (June 12), sinaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng First Family ang Grand Kalayan Parade sa Quirino Grandstand, Lungsod ng Maynila.

Dito itinampok ang hanay ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, Philippine National Police (PNP), at iba pang uniformed personnel, katuwang ang mga mag-aaral, mga kawani ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, mga kabalikatan na non-government organization (NGO) ng pamahalaan, at assets ng AFP.

Ito ang kauna-unahang parada para sa Araw ng Kalayaan, makalipas ang 18 taon.

Bukod dito, pinangunahaan rin ng pangulo ang pagpapasinaya sa commemorative stamp ng PhilPost para sa 125th Philippine Independence Day. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us