Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang pagbibigay ng cash for work sa mga apektadong residente sa Albay, dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary Rommel Lopez, na tulad ng isinagawa ng pamahalaaan sa Oriental Mindoro dahil sa oil spill, mina-maximize ng gobyerno ang cash for work program upang magbigyan ng alternatibong pagkakakitaan ang mga apektadong residente doon.
Ayon kay Asec. Lopez, pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang pamamahagi ng cash aid sa mga apektadong residente.
Sa ganitong paraan ayon sa opisyal, maibabalik ang dignidad, mabibigayan ng kakayahan at pagkakataon ang mga nagsilikas na residente na bilhin ang kanilang kailangan, na hindi pa kasama sa mga food at non-food items na ibinibigay ng pamahalaan.
Samantala, umakyat na sa 26 ang evacuation centers na binabantayan ng DSWD.
Ang bilang ng mga apektadong residente dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon ay nasa 9,688 na pamilya o 37,000 indibidwal sa buong Probinsiya ng Albay.
“Iyong ating mga affected towns and municipalities ay Bayan ng Bacacay, Camalig, Daraga, Guinobatan, Lungsod ng Ligao, Malilipot, Santo Domingo at Lungsod ng Tabako. Iyong nananatili sa evacuation center/temporary shelter nating mga kababayan ay nasa 15,493 individuals – katumbas niyan ang 4,400 families.” — Asec Lopez. | ulat ni Racquel Bayan