Inaasahan ang panibagong balasahan sa Philippine National Police (PNP) upang punuan ang mga pwesto na binakante ng dalawang matataas na opisyal na nagpaalam sa serbisyo.
Kasunod ito ng pagreretiro ni PNP Directorate for Logistics Director Police MGen. Ronaldo Olay, nitong Hunyo 13; at Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) chief Maj. Gen. Eliseo DC Cruz nitong Hunyo 14.
Si MGen. Olay ay nakilala bilang dating Chief ng Public Information Office at tagapagsalita ng PNP mula Abril hanggang Setyembre 2021.
Habang si MGen. Cruz naman ang namuno sa Special Investigation Task Group 990, na nag-imbestiga sa kontrobersyal na pagkakakarekober ng mahigit 6anim na bilyong pisong halaga ng shabu noong nakaraang taon.
Kapwa pinuri at pinasalamatan ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang dalawang opisyal sa kanilang mahusay na pagseserbisyo sa nakalipas na mahigit 30 taon. | ulat ni Leo Sarne