Nagpadala ang Philippine Red Cross o PRC ng truck at dalawang ambulansya matapos sumiklab ang sunog at magka-ammonia leak sa isang cold storage facility sa Barangay North Bay Boulevard sa Navotas City.
Ito ay upang mabigyan ng paunang tulong ang mga pamilyang naapektuhan ng insidente.
Ayon sa PRC, nasa 10 pamilya ang agad na kailangang ilikas at mahigit 20 residente ang na-ospital matapos mahirapang huminga.
Kinailangan din ng oxygenation treatment ang mga bumbero ng PRC na na-expose sa ammonia fumes habang inaapula ang sunog.
Nai-ulat ang ammonia leak pasado alas-11 kagabi at makalipas ang isang oras sumiklab naman ang sunog sa naturang pasilidad kung saan umabot sa ikatlong alarma.
Patuloy namang inaalam ng Bureau of Fire Protection ang sanhi ng ammonia leak at mananatiling nakasara ang pasilidad habang gumugulong ang imbestigasyon. | ulat ni Diane Lear
📷: Philippine Red Cross