Pormal nang binuksan ang pinakabagong Central Command and Communication Center ng Malabon Local Govt.
Pinangunahan ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval kasama sina MMDA Acting Chair Atty. Romando Artes at ARTA Dir Gen. Sec. Ernesto Perez ang inagurasyon ng state of the art na pasilidad sa ika-10 palapag ng Malabon City Hall.
Tampok dito ang ibat ibang modernong equipment na makatutulong para mapabuti ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ang emergency at disaster response nito sa lungsod.
Kabilang dito ang flood monitoring; bullet, traffic at dome camera, unified dispatcher system with server, at multi-mode radio
(high and middle level convention radio)
Ayon kay Malabon Mayor Jeannie Sandoval, ang naturang command center ay ang magsisilbi nang sentro ng operasyon sa pagtugon tuwing may emergency o tumatamang kalamidad sa Malabon.
“Gamit ang mga teknolohiyang de-kalidad at isang dedikadong team, ito ay magbibigay-daan ito sa atin upang ma-monitor at ma-coordinate nang epektibo ang mga emergency situations.” Pahayag ni Mayor Jeannie Sandoval
Dagdag pa ng alkalde, sumisimbolo rin ito sa proactive approach ng pamahalaang lungsod upang mabawasan ang panganib at banta sa mga residente.
“Sa mga residente ng Malabon, hinihikayat ko kayo na kilalanin ang command and control center at ang mga tungkulin nito. Maging kabalikat tayo sa paghahanda sa mga kalamidad sa pamamagitan ng pagsunod sa gabay ng ating DRRMO.” | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: Malabon LGU