Nagpasalamat si PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa Kongreso at sa National Police Commission (NAPOLCOM) sa pagsulong ng hakbang na magre-restructure sa PNP.
Ito’y matapos na aprubahan ng House Committee on Public Order and Safety ang panukalang amyenda sa Republic Act No. 6975 o Local Government Act of 1990 at RA No. 8551 o PNP Reform and Reorganization Act of 1998, sa pamamagitan ng proposed substitute bill House Bill HBN 8327.
Sa isang statement, sinabi ng PNP Chief, na ang mga amyenda sa batas ay magbibigay sa PNP ng kaukulang gamit at istraktura para epektibong matugunan ang mga kasalukuyang hamon sa pagpapatupad ng batas.
Nagpasalamat din si Gen. Acorda kay dating PNP Chief Ret. Police General Rodolfo Azurin Jr. sa kanyang pagtutok sa legislative agenda ng PNP, kasama sina Deputy Chief for Administration PLt. Gen. Rhodel O. Sermonia, Director for Personnel and Records Management PMGen. Robert T Rodriguez, at Director for Plans PMGen. Bernard M Banac. | ulat ni Leo Sarne