Inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang isang pulis at isang dating security guard dahil sa pagbebenta ng ilegal na baril.
Ayon kay CIDG Director Police Maj. General Romeo Caramat, naaresto ang dalawa sa Brgy. San Antonio, Sto. Tomas City, Batangas, sa operasyon nitong Miyerkules na bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na armas na ipinag-utos ni PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr.
Kinilala ang mga arestado na sina PSMS Carlito Chavez Escorsa Jr., na naka-assign sa Sto. Tomas City Police Station (CPS) at ang kanyang kasamang si Ramil Funtanar Esperanzate.
Nakuha sa dalawa ang isang M16 Rifle, 5 mahahaba at 3 maiksing magasin ng M16, 2 ammunition guide ng M16, 67 bala ng M16, 2 cellphone at boodle money.
Sinabi ni Caramat na inilunsad ang operasyon matapos na ma-monitor nila ang ginagawang pagbebenta ng baril ng dalawa sa pamamagitan ng online at social media platform.
Ang mga suspek ay kakasuhan ng paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. | ulat ni Leo Sarne
📷: CIDG