Reaksyon ng mga residente ng Makati sa agawan ng teritoryo sa pagitan ng Makati at Taguig

Facebook
Twitter
LinkedIn

Tinawag na iresponsable ng Lungsod ng Makati ang Lungsod ng Taguig hinggil sa mga alegasyon nito na diumano’y nakipagpulong si Makati City Mayor Abby Binay kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo na may kinalaman sa territorial dispute sa Fort Bonifacio at mga EMBO Barangays.

Ayon kay Makati City Administrator Atty. Claro Certeza, hindi pa nila nababasa ang petisyong inihain ng Taguig at marahil ito ang unang beses na dinala sa Korte Suprema ang isang petisyon na nakabatay sa hindi kapani-paniwalang social media post.

Ginawa ng Makati ang pahayag matapos maghain si Taguig City Mayor Lani Cayetano sa Korte Suprema ng urgent manifestation at motion upang imbestigahan ang diumano’y mali at nakakabagabag na pahayag ni Binay hinggil sa territorial dispute na naresolba na ng Korte Suprema.

Tiniyak ng pamahalaang lungsod ng Taguig na nananatiling bukas ang kanilang linya ng komunikasyon sa Pamahalaang Lungsod ng Makati.

Nitong Disyembre 2022 nang magdesisyon ang Korte Suprema na nagdedeklara na ang Fort Bonifacio Military Reservation at labing-isang barangay sa Makati, partikular ang Post Proper Northside, Post Proper Southside, Pitogo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pembo, Comembo, Rizal na nasa hurisdiksyon ng Lungsod ng Taguig.

Sinabi rin ng Lungsod ng Taguig nitong Abril na handa itong makipagtulungan sa Makati para sa transition at ma-expand ang serbisyo at mga benepisyong ipinagkakaloob ng lungsod sa mga constituents nito.

Para naman sa mga residente ng Barangay Pitogo sa Makati, hindi sila pumapayag na mapabilang ang kanilang barangay sa Taguig dahil hindi nila umano tiyak kung anong mga benepisyo ang kanilang matatanggap sa oras na mapasailalim na sila sa hurisdiksyon ng Taguig, at mahihirapan umano sila na i-proseso ang paglipat ng kanilang address mula Makati patungong Taguig.  | ulat ni Gab Humilde Villegas

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us