Nanatili pa rin sa mga evacuation center sa Albay ang may 10,643 pamilya o katumbas ng 41,487 katao na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), may sapat pang suplay ng pagkain at iba pang pangangailangan ang mga evacuee sa lalawigan.
Hanggang kahapon, may 132,756 family food packs at 60,699 non-food items ang nakaimbak pa sa iba’t ibang DSWD Warehouse sa rehiyon.
Habang nasa evacuation centers, abala ang mga Social workers sa iba’t ibang psychosocial interventions at aktibidad katuwang ang mga government at non-government organizations (NGO).
Partikular na tinututukan ng mga ito ang kapakanan ng mga kabataang evacuee.| ulat ni Rey Ferrer