Sinuportahan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang PNP sa gitna ng mga alegasyon ng mga suspek sa Degamo killing na “tinorture” umano sila ng mga pulis para paaminin.
Sa isang ambush interview sa Camp Crame ngayong umaga, sinabi ni Abalos na nakausap na niya si PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. at nanininiwala siya na nasunod ang tamang proseso sa isinagawang imbestigasyon ng PNP sa insidente.
Matatandaang una naring naglabas ng pahayag ang PNP na walang matinong pulis ang kusang lalabag sa karapatang pantao ng mga suspek dahil sa umiiral na anti-torture law, o Republic Act 9745, na nagpapataw ng 40 taong pagkabilanggo sa mga napatunayang lumabag.
Sinabi naman ni Abalos na naniniwala siyang malakas parin ang kaso ng pamahalaan laban kay Negros Oriental Congressman Arnulfo Teves na itinuturong mastermind ng krimen.
Ito’y sa kabila ng pagbawi ng ilang mga nahuling suspek ng kanilang mga sinumpaang salaysay na nagdidiin sa mamababatas. | ulat ni Leo Sarne