Tiniyak ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na handa at sapat ang tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para asistihan ang mga biktima ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon, alinsunod sa direktiba kamakailan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa pagbisita ng Pangulo sa Bicol kamakailan, inatasan nito ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na gawing 90-days ang relief assistance sa mga biktima ng Mayon.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Sec. Gatchalian, sinabi nito na sa ngayon may 110,000 food packs na naka-preposition sa Region-5 bukod ito sa 38,000 na naipamahagi na.
Aniya, sapat ang kanilang stockpiling ng mga probisyon dahil dapat tuloy-tuloy ang tulong sa mga biktima ng kalamidad “all-year-round”.
Siniguro rin ng kalihim, na ang DSWD ay hindi lamang nakatuon sa sitwasyon ng bulkang Mayon dahil buong bansa ay kanilang dapat respondehan tuwing may emergency at kalamidad.
Diin ng kalihim, base sa kanilang pag-uusap ng Chief Executive, direktiba ng Pangulo na dapat maagap, maayos ang pakikipag uganayan sa mga local government unit, at angkop ang tulong ng gobyerno sa evacuees.
Inilahad din ng kalihim ang cycle ng tulong na kanilang napagkasunduan ng Provincial Government ng Albay, kung saan 15 days ay sagot ng DSWD ang pagkain habang anim na araw naman sa LGU. | ulat ni Melany Valdoz Reyes