Suhestiyon ni Senador Francis Tolentino, i-quarantine o panatilihin lang sa isang lugar ang mga Afghan national ng dalawa hanggang tatlong buwan sakaling payagan sila dito sa bansa magproseso ng kanilang US special immigration visa.
Nanindigan si Tolentino, na walang masama kung sasang-ayon ang Pilipinas na patuluyin pansamantala ang Afghan nationals na ito.
Paliwanag ng senador, katungkulan ng Pilipinas na tulungan ang mga nangangailangan ng pansamantalang tirahan bilang signatory tayo ng UN declaration of Human Rights, International Convention on Political Rights at iba pang mga tratado.
Aniya, ang mga Afghan national na ito ay maituturing na mga Persons of Concern (POC) na patago-tago sa sarili nilang bansa dahil inuusig sila.
Aminado naman ang mambabatas, na dapat nailahad kaagad sa publiko at nagkaroon ng public consultation sa hiling na ito ng US sa gobyerno ng Pilipinas.
Sa huli, si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. pa rin aniya ang magdedesisyon tungkol sa usaping ito. | ulat ni Nimfa Asuncion