Pinasalamatan at pinapurihan ni House Speaker Martin Romualdez ang kabuuan ng House of Representatives sa lahat ng kanilang accomplishment sa First Regular Session ng 19th Congress.
Sa kaniyang talumpati bago ang pormal na sine die adjournment ng Kamara, ibinida nito na 33 sa 42 LEDAC priority measure ng Marcos Jr. administration ang kanilang napagtibay sa ikatlo at huling pag-basa.
Sa 33 na naaprubahan nila, tatlo na ang naisabatas.
Sa kabuuan ng First Regular Session ay nakapaghain sila ng 8,426 na panukala at 1,089 na resolusyon kung saan 567 ang naaprubahan.
Maliban sa mga panukala ay inaksyunan din aniya ng Kamara ang ilang isyu sa pamamagitan ng oversight functions tulad na lamang sa isyu ng mataas na presyo ng sibuyas.
“As we close the First Regular Session, I wish that you will remain steadfast in your duty. Let us take this time to reenergize, reflect and reinvigorate our passion for public service. Our nation deserves no less than our synergy and hard work…Sa lahat ng empleyado ng House of Representatives, hindi namin
magagawa and lahat ng to kung hindi dahil sa tulong at mga sakripisyo ninyo. Maraming salamat po,” saad ng House Speaker.
Kasabay nito ay ipinaalala ni Romualdez sa mga kasamahan sa Kamara ang kahalagahan ng pagiging accountable sa publiko gayundin ang pagtupad sa kanilang sinumpaan tungkulin.
Kasama dito ang pagsunod sa kanilang Code of Conduct.
Bago ang pagsasara ng sesyon ay pinatawan muli ng 60-day suspension si Negros Oriental Rep. ARnolfo Teves Jr. dahil sa kaniyang patuloy na pagliban at pananatili sa labas ng bansa nang walang travel authority.
Diin ng House leader, walang personalan sa desisyon na ito ng Kamara bagkus ay bilang pagprotekta lamang sa integridad ng Kognreso.
“Hindi natin papayagan na sirain ninuman ang integridad ng Kongreso. Walang personalan dito. Ginagawa lamang natin ang sinumpaan nating tungkulin at pangako sa sambayanan. I would like to reiterate that as members of this House, we must be accountable to the people at all times and perform our legislative mandates with utmost competence, efficiency, effectiveness, integrity, and fidelity to the people’s welfare – nothing less. Let this be a reminder to all of us,” ani Romualdez.| ulat ni Kathleen Jean Forbes