Pinasinayaan ng Korte Suprema ang isang “Specialty Justice Zone” sa Tagaytay City, na tututok sa economic development and tourism o “eco-tourism.”
Kabilang sa mga dumalo sa launching ay sina Supreme Court Associate Justice Maria Filomena Singh, Interior and Local Government Usec. Lord Villanueva, Justice Usec. Raul Vasquez at iba pang opisyal.
Ang Tagaytay City Justice Zone ay nabatid na ika-11 nang Justice Zone na inilunsad sa bansa, at ika-apat sa ilalim ng pamumuno ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa Kataas-taasang Hukuman.
Sinabi ni Associate Justice Singh, kung ang ekonomiya ay uunlad, kailangang kasabay nito ang “rule of law.” At maisasakatuparan ito kung mayroong episyente, tumutugon at “real-time” na paghahatid ng hustisya.
Ayon sa Korte Suprema, ang pagtatayo ng Justice Zones ay isa sa mga pangunahing proyekto ng Justice Sector Coordinating Council o JSCC.
Layunin nito na magkaroon ng mabilis at patas na pag-usad at pagpapatupad ng criminal justice system sa bansa.
Hangad din nito na lalo pang mapalakas ang koordinasyon at komunikasyon sa pagitan ng Korte Suprema, Department of Justice, at Department of the Interior and Local Government. | ulat ni Lorenz Tanjoco
📷: Barrista Solutions