Nagsagawa ng “Run After Contribution Evaders Activity”o RACE activity ang Social Security System sa 10 establisyimento na sakop ng SSS CCP Complex Branch ngayong araw.
Ang mga ito ay inisyuhan ng notice of violation matapos hindi naghuhulog ang mga employer ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Kabilang sa mga naihaing notice of violation ay mula sa pitong restaurant, isang logistics company, isang medical clinic, at isang wellness services.
Batay sa pinakahuling tala ng SSS CCP Complex branch, aabot sa ₱21.57 milyon ang kabuuang halaga ng delinquencies ang hindi nai-remit na kung saan apektado ang kontribusyon ng nasa 388 na mga empleyado.
Nagbabala si SSS NCR West Legal Department Head Atty. Resley Anne Demilla sa mga employer na posible silang makasuhan ng paglabag sa Social Security Act kung patuloy silang magmamatigas na hindi mag-remit ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado. | ulat ni Gab Humilde Villegas