Ipinagpaliban ang dapat sana ay turn-over ceremony sa may walong Heneral ng Philippine National Police (PNP), na kasama sa pinakabagong balasahan na ipinatupad ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr.
Ito ay matapos maglabas ng pahayag si National Police Commission (NAPOLCOM) Chairperson at Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ng kaniyang pagkuwestiyon sa naturang balasahan.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ipagpapaliban ang nakatakda sanang turn over ceremony ngayong araw “until further notice” kung kailan ito isasagawa.
Magugunitang kasama sa mga napabilang sa balasahan si Police Brigadier General Jose Melencio Nartatez Jr., na itinalagang acting Regional Director ng National Capital Region Police Office; Police Major Gen. Edgar Alan Okubo, bilang bagong Hepe ng Directorate for Police Community Relations.
Gayundin sina Police Major Gen. Mario Reyes, na hinirang na Director ng Directorate for Logistics; P/MGen. Jon Arnaldo na ipinuwesto bilang Hepe ng Directorate for Intelligence.
Police Brigadier General Ronald Oliver Lee, na ginawang Director ng Directorate for Human Resource and Doctrine Development; P/MGen. Eric Noble, na itinalagang Hepe ng Directorate for Investigation and Detective Management.
P/BGen. Samuel Nacion na hinirang na acting director ng Philippine National Police Academy, at Police Brig. Gen. Alan Nazarro na na-reassign bilang acting Director of Highway Patrol Group. | ulat ni Jaymark Dagala