Bumisita si Vice President Sara Duterte sa Dipolog City, Zamboanga Del Norte upang kumustahin ang iba’t ibang grupo na sumuporta sa kanyang kampanya noong nagdaang eleksyon.
Dito ay ibinahagi ni VP Sara sa parallel groups ang mga programa ng Office of the Vice President tulad ng Mag Negosyo Ta ‘Day, Peace 911, PagbaBAGo Campaign: A Million Learners and Trees at pagpapatayo ng OVP Disaster Operations Center at satellite at extension offices.
Ikinampanya din ng Pangalawang Pangulo sa mga grupo na suportahan ang mga programa ng Department of Education (DepEd) upang mapalakas ang kalidad ng edukasyon at matugunan ang mga suliranin sa paaralan.
Kabilang sa mga nakasalamuha ni VP Sara ang support organizations na Marcos-Sara Duterte Alliance Region 9, Ituloy ang Pagbabago Movement, Sara ang Solusyon Movement, at Kilusang Pagbabago.
Samantala, binisita rin ni VP Sara si Dipolog City Mayor Darel Uy at ang local officials at ang tanggapan ng DepEd – Zamboanga Del Norte Schools Division Office upang pag-usapan ang posibilidad ng kooperasyon sa mga proyekto ng OVP. | ulat ni Hajji Kaamiño