Pinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Joint Task Force Zamboanga Peninsula and Lanao (JTF-ZamPeLan) at ang buong 1st Infantry Division (1ID), Philippine Army dahil sa kanilang walang humpay na pagsisikap para maipunla ang kapayapaan sa loob ng kanilang hurisdiksyon.
Sa kanyang pagdalaw sa Camp Major Cesar Sang-an sa bayan ng Labangan, Zamboanga del Sur noong Biyernes, binati ni Pangulong Marcos Jr. ang mga tropa ng dibisyon dahil sa kanilang pakikipaglaban para sa kapayapaan.
Ayon sa Pangulo, dahil sa napakahusay nilang pagganap sa kanilang tungkulin, nagbubunga ito nang positibong resulta.
Tinupad aniya ng mga tropa ang kanilang tungkulin na may karangalan, kapurihan, pasyon, at pagmamahal sa inang-bayan.
Hinimok ni Pangulong Marcos ang mga sundalo na ibahin ang kanilang anyo, mula sa pagiging mandirigma patungong tagapamayapa, alinsunod sa pagsisikap ng pamahalaan na makamit ang pangmatagalang kapayapaan.
Sakop ng security operations ng Tabak Division, Philippine Army, ang Zamboanga Peninsula, ang dalawang lalawigan ng Lanao, at ang Misamis Occidental.| ulat ni Lesty Cubol| RP1 Zamboanga Sibugay