Pansamantalang sinibak sa puwesto ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang tauhan nito na nakaposte sa kanilang Binangonan Sub-Station sa Rizal.
Ito’y kasunod ng pagkakataob ng MBCA Princess Aya Express habang papatawid sa Laguna de Bay patungong Talim Island na ikinasawi ng halos 30 katao.
Ayon kay Coast Guard Commandant Admiral Artemio Abu, layon ng naturang hakbang na mabigyang daan ang nagpapatuloy na imbestigasyon hinggil sa insidente.
Giit pa niya, hindi nila kinukonsinte ang anumang kapabayaan kaya’t nais nilang malaman kung ano-ano ang mga naging pagkukulang ng kanilang mga tauhan.
Batay kasi sa inisiyal na imbestigasyon, pinayagan ng mga tauhan ng Coast Guard na nakapuwesto sa lugar na makapaglayag ang motorbanca dahil sa wala namang nakataas na wind signal dahil sa bagyo.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Coast Guard Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na ang seaworthiness naman ng mga lumalayag na motorbanca ay nakadepende sa Lokal na Pamahalaan. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: PCG