Binalaan ng PNP Anti-Cybercrime Group ang publiko na pag-ingatan ang kanilang mga Facebook account sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng ‘hacking incidents’ sa nakalipas na tatlong taon.
Ayon sa ACG, nakakaalarma ang paglobo ng mga kaso ng Facebook hacking incidents na umabot na sa 743 sa unang anim na buwan pa lang ng 2023.
Ito ay mula sa 503 kasong iniulat noong 2021 at 1,402 noong 2022.
Sinabi ng ACG na ang pangunahing motibo ng mga hacker ay manipulahin ang pagkakakilanlan ng account user upang makapanloko o makapang-scam sa mga contact ng mga biktima.
Bunsod nito, payo ng ACG sa lahat ng facebook account users na magkaroon ng Two-Factor Authentication na makikita sa setting ng facebook account, iwasan ang pagkonekta sa mga pampublikong wifi, at i-log-out ang kanilang mga Facebook account sa mga device o gadget kung hindi ginagamit.
Kasabay nito panawagan ng PNP-ACG sa mga mabibiktima ng Facebook account hacking na agad itong i-ulat sa Facebook support team o di kaya’y isumbong sa lokal na pulisya o otoridad sa kani-kanilang lugar. | ulat ni Leo Sarne