Palalakasin pa ng pamahalaan ang mga hakbang nito upang labanan at mapababa ang kaso ng tuberculosis (TB) sa bansa.
Isa sa mga hakbang na ito ayon kay Health Secretary Ted Herbosa ay ang pagpapalakas ng detection, o active case finding ng Department of Health (DOH).
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng kalihim na gumagamit na ng AI diagnostics ang tanggapan, upang matukoy kung mayroong presensya ng TB ang isang pasyente.
Ayon sa kalihim, dahil sa pagpapaigting ng hakbang na ito inaasahan na nila na mas maraming kaso ng TB ang madi-detect ng pamahalaan.
Gayunpaman, angkop lamang aniya ito upang agad ring maisailalim sa gamutan ang mga matutukoy na TB patients.
Kung matatandaan, una nang sinabi ni Secretary Herbosa, na ibababa ng DOH sa apat na buwan ang gamutan para sa mga pasyenteng mayroong regular na kaso ng TB, habang anim hanggang siyam na buwan naman para sa mga mayroong multiple drug resitant case.
Sinabi pa ng kalihim, target niyang maalis ang Pilipinas mula sa top 10 ng mga bansa sa buong mundo na mayroong pinakamaraming kaso ng TB.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay nasa pang-apat na pwesto. | ulat ni Racquel Bayan