Iginiit ni Senador Alan Peter ‘Compañero’ Cayetano nitong Lunes na mas mainam na diskarte para sa Pilipinas ang “aggressive negotiation” patungkol sa West Philippine Sea (WPS) kumpara sa pag-“internationalize” dito dahil napatunayan nang epektibo ito hindi lamang sa pagprotekta sa soberanya ng bansa kundi pati na rin sa mga karapatang pang-ekonomiya nito sa pinagtatalunang teritoryo.
Sa isang panayam sa media nitong July 31, 2023, ipinaliwanag ni Cayetano kung paanong nagkakaroon ng negatibong epekto sa ekonomiya ng Pilipinas ang paghamon sa China sa harap ng buong mundo.
“For example, ‘pag pumunta ka ng UN at nagbangayan kayo, hindi mo mae-expect na magkakaroon ng agreements sa oil and gas na kailangan na kailangan natin,” ani Cayetano.
Matatandaang nagsilbing Foreign Affairs Secretary si Cayetano mula 2017 hanggang 2018 sa ilalim ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte.
“Big-time ang pagtaas (ng presyo) bukas dahil hindi tayo nagpro-produce ng enough oil and gas para sa sarili nating bansa.” saad nito.
Inihayag ito ni Cayetano isang linggo matapos ihain ni Senador Risa Hontiveros ang Senate Resolution No. 659 na naglalayong himukin ang gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), na maghain ng resolusyon sa United Nations General Assembly (UNGA) na nananawagan sa China upang itigil ang panggigipit nito sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa loob ng WPS.
Punto ng independent senator, ang “microphone diplomacy” na naging diskarte ng Pilipinas noon pa ay nagdudulot lang ng pagkawala ng kalayaan ng mga Pilipinong mangisda sa teritoryo nito.
“Noong ininternationalize natin, microphone diplomacy kung saan may multilateral meeting, UN, et cetera ay pinapahiya at binibira natin ang China, ano ba ang naging epekto sa West Philippine Sea? Lalo silang naging aggressive, kinuha y’ung Scarborough Shoal, hindi tayo makapasok, mga mangingisda natin hindi makapangisda,” aniya.
Sinabi ni Cayetano na ang pagiging tahimik ay hindi nangangahulugang walang ginagawa ang gobyerno para protektahan ang interes ng bansa. “Just because hindi maingay, hindi ibig sabihin walang ginagawa,” aniya.
“Even during the time of President Duterte (and) Presidente Aquino, hindi naman lahat sinasabi sa media. Kahit ang US ganoon,” dagdag niya.
Binanggit ni Cayetano kung paano ginamit ng administrasyong Duterte ang mga agresibong negosasyon, na humantong sa pagpapanumbalik ng mga karapatang pang-ekonomiya ng Pilipinas.
‘𝐓𝐚𝐦𝐚𝐧𝐠 𝐯𝐞𝐧𝐮𝐞’
Muling iginiit ni Cayetano na dahil nasa panig na ng Pilipinas ang batas, ang kailangang gawin ng bansa ay “maging matalino” sa kung paano igigiit ito.
“Hindi natin problema ang right. The right is with us, tayo ang tama. Ang problema natin sa West Philippine Sea, ‘might is right,’” aniya.
“Isa lang ang isyu: ano ang tamang venue at ano ang tamang paraan,” dagdag niya.
Muli niyang ipinunto na ang UNGA ay “place to talk” at hindi para sa pagpapatupad ng napagkasunduan. Dahil dito, ang pagdadala ng alinman sa mga isyu ng bansa laban sa China sa harap ng UNGA ay hindi nangangahulugang malulutas ito.
“Venue kasi ng pulitika, ng negosasyon, venue rin medyo ng upakan ang UN. So, what will happen is that magmumukha tayong lumalaban dahil nga maingay tayo doon pero on the ground, baka lalo pong mahirapan ang mga sundalo at Coast Guard natin,” ani Cayetano.
Lalo pa aniya itong dapat pag-isipan dahil ang China ay miyembro ng UN Security Council at maraming kaalyado sa UN.
“‘Pag pumunta ka ng UN, baka gagamitin pa rin ng China dahil malaking bansa ito. So kailangan po, wisdom ang ating gamitin,” aniya.
Sinabi ni Cayetano na sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa ay mapapalakas ang Philippine Navy, na siya namang magpapatibay sa katayuan ng bansa habang nakikipag-negosasyon sa lahat ng claimant – China, Malaysia, at Vietnam.
“Kaya nga sinasabi ko kay Senator Risa, hindi pwede tayo ritong galit o bara-bara lang. Bakit po? ‘Pag ang China umalis dyan, meron na pong submarines at militarized na rin po y’ung sa Vietnam at Malaysia, kukunin lang ng Vietnam at Malaysia ‘yan,” aniya.