Nakalatag ang mga contigency plan ng pamahalaan para sa ikakasang tatlong araw na tigil-pasada ng ilang transport groups simula sa araw ng state of the nation address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa July 24 hanggang sa July 26.
Ito ay pahayag ng Inter-Agency Task Force Monitoring Team sa isinagawang pulong ngayong araw na pinangunahan nina Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevarra, MMDA Acting Chair Atty. Don Artes, at MMDA General Manager Usec. Procopio Lipana, kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga pinuno ng Metro Manila Traffic Bureau.
Layon ng pulong na mapag-usapan ang mga plano para hindi maabala ng transport strike ang commuting public, at makapagbigay ng traffic at security management lalo pa at tatapat ito sa araw ng SONA.
Pinuri naman si Guevarra ang pagsisikap ng mga miyembro ng Inter-Agency Task Force sa mga inilatag na hakbang, upang matugunan ang mga hamon na maaaring makaharap sa tigil-pasada.
Kabilang na rito ang pagpapadala ng mga sasakyan sa mga pasahero na maaapektuhan ng tigil-pasada, at pag-monitor ng sitwasyon sa SONA.
Hiniling na rin ng Inter-Agency Task Force ang tulong ng mga lokal na pamahalaan sa single dispatching system ng rescue assets sa MMDA Command Center sa mismong araw ng transport strike.
Imo-monitor din ang sitwasyon ng SONA sa pamamagitan ng mga CCTV camera, para mapadali ang pagpapadala ng mga tauhan ng Philippine National Police sa mga pagtitipon ng mga raliyista gaya noong nakalipas na transport strike noong Marso. | ulat ni Diane Lear