Nakatakdang bisitahin ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang mga bansang Vietnam at Lao People’s Democratic Republic simula ngayong araw hanggang Sabado, August 5 upang tingnan ang kasalukuyang relasyon at pagtibayin pa ang bilateral ties nito sa dalawang bansa.
Unang pupuntahan ng kalihim ang Hanoi mula ngayong araw hanggang August 3 para sa 10th Philippines – Vietnam Joint Commission on Bilateral Relations kung saan nakatakdang talakayin ang mga areas of cooperation tulad ng defense, maritime, economic, at people-to-people ties.
Nakatakda ring magsalita si Secretary Manalo sa Diplomatic Academy of Vietnam na may temang “Philippines-Vietnam Strategic Partnership in the Age of Change.”
Pagkatapos nito ay dadako naman ang kalihim sa Vientiane mula August 3 hanggang August 5 para sa 2nd Philippines-Lao PDR Joint Commission on Bilateral Relations upang pag-usapan ang kasalukuyang relasyon ng dalawang bansa at tingnan kung papaano pa mapapalawak ang kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Lao PDR.
Makikipag-ugnayan rin ang kalihim sa diplomatic community upang magbigay ng talumpati sa Institute of Foreign Affairs na may temang “Closer Together: People at the Center of Philippines-Laos Relations.”
Ang JCBC ang pangunahing mekanismo na mayroon ang Pilipinas sa parehong Vietnam at Lao PDR na nagbibigay ng pagkakataon na komprehensibong talakayin ang bilateral relations, gayundin ang iba’t ibang regional at global issues. | ulat ni Gab Humilde Villegas