Naging maigting ang kampanya sa SIM Registration ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Region IX at BaSulTa sa kabila ng mababang bilang ng porsyento ng mga nagpaparehistro.
Ayon kay DICT ZamBaSulTa Chief of Admin and Finance Aris Austria, patuloy ang kanilang paalala sa publiko tungkol sa huling araw ng SIM registration at sa kahalagahan nito.
Aniya, base sa datos na kanilang nakalap mula sa National Telecommunications Commission (NTC) noong July 23, nasa 62.65% o katumbas ng mahigit kumulang 105 million mula sa 168 million na subscribers sa bansa ang nakapagparehistro.
Dagdag pa nito, iilan sa mga isyu na kanilang kinaharap ay ang kakulangan sa internet access ng ilang subscribers na nasa malalayong lugar habang ang iilan ay hindi gaanong binibigyang pansin ang maaaring kahinatnan ng hindi pagpaparehistro.
Matatandaan, nagsagawa ang DICT ng kaparehong aktibidad ng NTC sa provincial areas nito sa Zamboanga Peninsula bilang bahagi ng maigting na kampanya para sa SIM registration.| ulat ni Justin Bulanon| RP1 Zamboanga