Nagpaabot ng pagbati ang Department of Tourism (DOT) sa Mactan-Cebu International Airport matapos makakuha ng Airport Customer Experience Accreditation mula sa Airports Council International, dahilan upang maging natatanging paliparan sa bansa na nakakuha ng nasabing pagkilala mula sa prominenteng global aviation body.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, ang nasabing accreditation ay patunay lamang ng kahusayan sa paghahatid ng maginhawa, mahusay, at pinahusay na travel experience sa bawat touch point ng paglalakbay.
Sinabi rin ng kalihim, na tinutupad ng DOT ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na gawing isang tourism powerhouse ang Pilipinas sa Asya.
Kaya’t nakakuha ng malaking inspirasyon ang DOT mula sa bagong nakamit ng Mactan-Cebu International Airport at nakikibahagi sa adhikain na mapahusay ang marami pang mga gateway sa buong bansa para sa kapakinabangan ng mga manlalakbay at turista.
Ayon naman sa pamunuan ng paliparan, ang pagkaka-accredit sa kanila ng global aviation body ay isang mahalagang hakbang upang itaas ang antas ng customer experience management sa mga paliparan sa bansa. | ulat ni Gab Villegas