Nakatakdang ipatawag ni Senate Sommittee on Public Works chairman Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel M. Bonoan at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando Artes para pagpaliwanagin tungkol sa hindi maresolbang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa tuwing umuulan.
Ayon kay Revilla, nakakapikon na ang sitwasyon na tuwing uulan ay palagi tayong binabaha samantalang napakadaming proyekto at bilyon-bilyong piso ang ginagastos para masawata ang pagbaha.
Nais ng senador na magkaroon ng sagot kung bakit sa kabila ng maraming taon na lumipas na sinasabi na may ginagawa ang dalawang ahensya tungkol sa baha ay patuloy pa rin tayong binabaha.
Base sa annual General Appropriations Act mula 2019 hanggang 2023, ang DPWH ay tumanggap ng kabuuang P594.62 bilyong alocation appropriation para sa flood control program habang ang MMDA ay tumanggap naman ng P6 billion.
Dismayado rin ang mambabatas sa DPWH at MMDA dahil sa palagi na lamang naglalabas ng press release sa tuwing lumulubog ang bansa sa baha.
Giit ni Revilla, hindi na paliwanag ang kailangan ng taumbayan, ang kailangan na ay aksiyon at solusyon.| ulat ni Nimfa Asuncion