Ipinag-utos na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang agarang paghahatid ng 10,000 family food packs sa Ilocos Norte, na ngayon ay nasa ilalim ng “state of calamity.”
Bukod dito, plano rin ng DSWD na magbigay ng emergency cash transfer (ECT) sa mga pamilya at indibidwal na apektado ng bagyo sa lalawigan.
Ngayong araw idineklara ang “state of calamity” ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte dahil sa matinding pinsala sa lalawigan, na dulot ng super typhoon Egay.
Ang DSWD, sa pamamagitan ng Field Office-1 (Ilocos Region) ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang local government units sa rehiyon; para tulungan ang nasa 2,817 pamilya o 12,730 indibidwal na apektado ng bagyong Egay at habagat.
Sa Ilocos Norte, may kabuuang 205 pamilya o 657 indibidwal ang pansamantalang nakakanlong sa 14 na evacuation center.
Samantala, 73 pamilya o 205 indibidwal ang nasa siyam na evacuation center sa Ilocos Sur; 29 pamilya o 130 indibidwal ang nasa limang evacuation center sa La Union; at 93 pamilya o 278 katao ang nasa 16 evacuation centers sa Pangasinan.
Nakapaghatid na ng 3,000 family food packs (FFPs)ang DSWD’s Disaster Response and Management Group sa FO-1’s regional warehouse sa San Fernando, La Union, na handang ipamahagi sa mga apektadong pamilya kung kinakailangan. | ulat ni Rey Ferrer