Tuloy-tuloy pa rin ang paghahatid ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektadong pamilya buhat ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Batay sa ulat ng DSWD Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, as of July 6 ay umakyat na sa halos ₱96-million ang halaga ng relief assistance na naipamahagi sa mga apektadong residente.
Kasama rito ang family food packs na nasa ikalawang wave na at ang cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Bukod dito, pinalawak na rin ng DSWD ang tulong nito sa mga pamilyang nakatira sa loob ng 7-8 kilometer danger zones.
Sa kasalukuyan, nananatili pa rin sa higit 5,000 pamilya ang nanunuluyan sa 26 evacuation center sa Albay dahil sa banta ng Bulkang Mayon. | ulat ni Merry Ann Bastasa