Inihahanda na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang tulong nito para sa mga biktima ng bagyong Egay at ng habagat.
Kasunod na rin ito ng pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maglalaan ang pamahalaan ng housing repair assistance at “emergency support” para sa mga residenteng napinsala ang mga tahanan dahil sa kalamidad.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, nakikipag-ugnayan na ang kanilang regional directors sa local government units (LGUs) ng mga apektadong lugar para sa mabilis na paghahatid ng assistance.
Nakipagtulungan na rin ang ahensya sa International Organization for Migration at USAID, para sa pamamahagi ng shelter-grade tarpaulins, modular tents at solar lamps sa mga apektadong residente mula sa Regions 1, 2, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Ayon sa kalihim, magiging prayordad dito ang mga pamilyang nasiraan ng bahay dahil sa bagyong Egay.
Sa pinakahuling tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), mayroon nang 1,626 na kabahayan ang labis na napinsala habang 43,221 ang partially damaged dahil sa habagat at bagyong Egay. | ulat ni Merry Ann Bastasa