Kinumpirma na ngayon ng PAGASA na umiiral na ang El Niño phenomenon.
Kasunod ito ng paglalabas ng El Niño advisory ng PAGASA batay na rin sa climate monitoring at analyses kung saan naitala na ang mainit na temperatura sa karagatan ng Pacific.
Paliwanag ng PAGASA, nararanasan ngayon ang weak El Niño o ang mahinang impact nito sa bansa ngunit inaasahang titindi pa ito sa mga susunod na buwan.
Sa panahon ng El Niño, ay inaasahan ang below-normal rainfall o mas kakaunting ulan at pati na ang mga tagtuyot at dry spell sa ilang bahagi ng bansa.
Samantala, posible namang maranasan sa kanlurang bahagi ng bansa ang above-normal rainfall lalo sa habagat season.
Ngayong Hulyo, tanging ang Davao del Sur ang inaasahang makararanas ng below normal rainfall dulot ng El Niño.
Posible itong madagdagan sa 8 probinsya sa Agosto na aakyat pa sa higit 30 probinsya sa pagsapit ng Setyembre.
Kapag may El Niño advisory na ay inaasahan na rin ang paglalabas ng dry spell at drought assessment sa bansa.
Kasunod nito, tiniyak naman ng PAGASA na tuloy-tuloy na ang paghahanda ng mga ahensya ng pamahalaan lalo’t posibleng tumagal ang El Niño hanggang sa unang quarter ng 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa