Makikipag-ugnayan na ang Food and Drug Administration (FDA) sa National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga nasa likod ng health products o mga gamot na gumagamit ng litrato ng mga sikat na doktor at artista.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na marami sa kaniyang mga kaibigang doktor ang nabibiktima o ginagamit ang kanilang mga larawan, pero hindi naman nila ini-endorso ang mga produktong ito.
Ang nangyayari aniya, nawawala ang mga produktong ito ngunit bumabalik rin.
“Some of the personalities – Dr. Willie Ong, Dr. Leachon – have actually filed cases with the Cybercrime Division of the NBI – pero nawawala and then bumabalik… tapos ibang dignitary.” — Secretary Herbosa
Paalala ng kalihim sa publiko, huwag tangkilikin ang mga gamot o pagkain na hindi aprubado ng FDA dahil bukod sa hindi ligtas sa pagkonsumo ang mga ito, malaki rin ang tiyansa na smuggled ang mga produktong ito. | ulat ni Racquel Bayan