Posibleng masuspindi o mabawi ang lisensya ng security guard ng SM North Edsa Mall at ng kanyang security agency dahil sa ginawa nitong pagpatay sa isang tuta.
Ayon sa Philippine National Police-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) iniimbestigahan na nila ang security guard na si Jojo Malicdem matapos na mag-viral sa social media ang ginawa nitong paghagis ng tuta mula sa footbridge na ikinamatay nito.
Sa isang memorandum, sinabi ni SOSIA Chief Police Brig. Gen. Leumar Abugan, nakipag-ugnayan na sila sa Private Security Agency na RJC Corporate Security Services Inc. na may hawak sa naturang gwardya.
Inaalam na umano sa ngayon ng kanilang Enforcement Management Division ang administratibong pananagutan ng Security Guard at ng Private Security Agency nito.
Giit ni Abugan, kinokondena nila ang “animal cruelty” o pang-aabuso sa mga hayop at wala itong lugar sa sibilisadong lipunan. | ulat ni Leo Sarne