Nadagdagan pa ang mga transport group na nagpahayag ng kanilang suporta sa LTFRB at hindi makikilahok sa pinaplanong tatlong araw na tigil pasada ng grupong MANIBELA.
Sa isang press conference, ibinahagi ni Obet Martin ng Pasang Masda na bukod sa mga jeepney operators ay nakikiisa na rin sa kanila ang mga grupo ng tracker, mga bus, UV express at taxi operators.
Ayon sa kanya, malinaw ang posisyon ng grupo na suportahan ang mga commuter at masigurong hindi sila mape-perwisyo ng tigil pasada.
Naniniwala rin ang grupo na hindi dapat idaan sa protesta ang paggiit ng karapatan, bagkus ay idaan ito sa dayalogo.
Hindi rin pabor ang grupo sa panawagan na magbitiw sa pwesto si LTFRB Chair Teofilo Guadiz III dahil nakikinig at nagbibigay tugon aniya ang opisyal sa kanilang mga hinaing.
Kabilang rito ang paglilinaw na wala namang gagawing phase out ng traditional jeepneys.
Ipinakiusap rin aniya nila na mapalawak pa ang public consultation at magkaroon ng extension sa consolidation process.
Dumalo rin sa naturang presscon si LTFRB Chair Guadiz na sinabing nananatiling bukas ang pinto nito para mapag-usapan ang hinaing ng transport leaders at makumbinsi sila sa PUV modernization program. | ulat ni Merry Ann Bastasa