Ilang mga bunkers ng kapulisan ang natupok matapos sumiklab ang sunog sa loob ng kampo ng 1105th MC ng Regional Mobile Force Battalion 11 sa Purok 2, Malagos, Baguio District, Davao City.
Nangyari ang sunog 12:45 kaninang hapon, kung saan batay sa imbistigasyon ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang apoy sa bunker nina PAT Ryan Umacob at dalawa pang kasama nito.
Agad umanong kumalat ang apoy na sanhi ng pagkakasunog ng anim na iba pang bunkers pati na ang function hall ng kampo.
Kasama sa mga nasunog ang labing isang long firearms, dalawang short firearms, mga magazine, isang motor, habang partially-damaged naman ang isang sasakyan.
Ayon kay Novelyn Cajegas na isa sa mga residente sa lugar, nakarinig sila ng mga putok at pagsabog nang maganap ang sunog.
Aniya, agad umanong pinalikas ng mga pulis ang mga residenteng malapit sa lugar patungo sa BSP grounds upang masiguro ang kanilang kaligtasan habang hindi pa naapula ang apoy.
Mga 1:36 ng hapon nang ideklara itong fire out ng BFP, at ayon sa kanilang imbestigasyon, electrical overloading umano ang sanhi ng insidente.| ulat ni Maymay Benedicto| RP1 Davao