Taos-puso ang pasasalamat ni Deputy Speaker at Ilocos Sur Representative Kristine Singson-Meehan sa mga ahensya ng pamahalaan at opisyal, na mabilis tumugon sa pangangailangan ng mga residenteng nasalanta ng bagyong Egay.
Una na rito si House Speaker Martin Romualdez na aniyang unang tumawag sa kaniya upang alamin ang kinakailangan na tulong ng kaniyang distrito.
Nitong weekend, nasa P2 million na halaga ng relief goods at cash assitance ang iponagkaloob ng Office of the Speaker sa Ilocos Sur 2nd district.
Pinasalamatan din ni Singson-Meehan si DSWD Sec. Rex Gatchalian na personal ding nagkipagugnayan sa kaniya para alamin kung ilan ang food packs na kinakailangan ng kanilang lalawigan.
Pinuri naman ng lady solon ang pamumuno ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. dahil sa mabilis nitong napakilos ang mga ahensya ng pamahalaan para sa pagkalap ng impormasyon, pagliligtas at pagpapaabot ng ayuda.
Kinilala din ng kongresista ang papel ng mga lokal na pamahalaan at local chief executives na tumugon sa pangangailangan ng kani-kanilang nasasakupan.
Sa ngayon inaalam naman aniya ng National Housing Authority kung ilan ang mga bahay na nasira upang maisumite at maipasok sa housing assistance ng DSWD. | ulat ni Kathleen Forbes