Siniguro ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre sa unipormadong hanay na hindi sila madedehado sa ipinapanukalang Military and Uniformed Personnel Pension Fund Reform.
Naimbitahan si Acidre nang dumalo sa MUP pension reform forum na ikinasa ng Civil-Military Operations Regiment (CMOR) ng Philippine Army.
Bilang isa sa principal sponsor ng panukala, nilinaw ni Acidre ang ilan sa mga katanungan ng MUPs sa masasabing isa sa mga kontrobersyal na panukala sa ngayon.
Ipinaabot na rin ng MUPs ang ilan sa kanilang rekomendasyon gaya ng review sa charter ng MUP.
Sa kasalukuyan kasi, itinuturing na MUP ang National Mapping and Resources Information Authority o NAMRIA kahit wala itong armed security serice component.
Maliban dito, batay sa 1987 Constitution, tanging ang AFP at PNP lang ang security at law enforcement organization ngunit may ibang mga ahensya na may kahalintulad na benepisyo at pensyon.
Siniguro naman ni Acidre sa mga sundalo na ang bersyon ng MUP pension reform na kanilang ipapasa ay magiging patas at ‘sustainable’ o pangmatagalan upang hindi mabalewala ang sakripisyo ng uniformed personnel.
“Gusto natin ng batas na hindi kayo mawawalan, pero hindi rin mawawalan ang mga darating pa,” ani Acidre. | ulat ni Kathleen Jean Forbes