Inihain ni OFW party-list Rep. Marissa Magsino ang House Resolution 1105 para magkasa ng “inquiry in aid of legislation” ang Kamara patungkol sa dumaraming reklamo sa delayed at cancelled flights at offloading ng domestic airlines.
Diin ni Magsino, maging mga OFW kasi ay apektado ng aberya sa serbisyo ng airlines kung saan ang ilan ay nakakansela ang kontrata at naparurusahan ng kanilang employer dahil hindi nakarating sa pinag-usapang panahon.
“Mayroon na iyan mga schedule kung kailan sila dapat magsimula sa trabaho o kaya ‘return to work order’. Kapag nakansela ang flights nila sa ano mang dahilan, hindi lang simpleng inconvenience ang dulot nito sa ating mga OFWs kung hindi paglalagay ng kanilang mismong trabaho sa alanganin.”, ani Magsino.
Maliban dito nakakaapekto rin aniya ang hindi magandang serbisyo ng local airlines sa industriya ng turismo.
Bunsod nito ay kailangan na rin aniyang repasuhin ang Air Passenger Bill of Rights at iba pang travel related laws upang maiwasan nang maulit pa ang kahalintulad na issue at matiyak na naibibigay ang nararapat na kompensasyon sa mga apektadong pasahero. | ulat ni Kathleen Jean Forbes